Pulong Bayan sa Arangin

Arangin, Naujan – Nagdaos ng maikling pagpupulong ang mga Mangyan kasama ang Batang Naujan sa nasabing barangay matapos lumapit ang una sa samahan hinggil sa mga isyung pambarangay na kinakaharap nila.

Pinaunlakan ng grupong Batang Naujan ang mga katutubong Mangyan sa mga magkakalapit na barangay matapos lumapit ang mga ito sa Pangunguna ni Mot Bunsoy hinggil sa mga isyung kinapaharap ng mga katutubo sa kanilang lugar.

Naging mainit na usapan ang patuloy na pagkasira ng kanilang mga pamayanan dahilan sa patuloy na pagkakalbo at pagkasira ng kanilang kabundukan, at mga ilog. Patuloy nilang iginigiit na malaking problema ang patuloy na operasyon ng Sta.Clara Hydrodam sa kanilang lugar. Patuloy umano nitong pinapatag at kinakalbo ang mga bundok at ngayon nga umano ay pinatay na nito ang Bagto River. Ito din umano ang sanhi ng palagiang baha sa kanilang lugar.

Idinaing din ng mga katutubo ang kanilang mga tahanan na matagal nang sinira ng Bagyong Nona at Nina.

Nangako naman ang grupong Batang Naujan na patuloy itong makikipagtulungan upang maipagtanggol ang kalikasan ng Naujan at nangakong magbabalik upang matulungan sila na maitao ang kanilang mga nasirang tahanan.