Kokomban Ride, Hatid ng Batang Naujan at Malaya Moto Club
|Kokomban Ride Isinagawa ng Batang Naujan at Local Riders Group (Mahigit 800 Reams na ang Naipapamahagi)
Naujan, Or. Mindoro – 13 pang mga pampublikong paaralan ang nahatiran ng ayudang mga bond papers sa isinagawang Kokomban Ride kahapon sa ilalim pa rin ng “Project Bond, Coupon Bond” ng grupong Batang Naujan.
Ika-5 ng Agosto ng pangunahan ng Malaya Moto Club, isang local riders group sa nasabing bayan ang dagdag na pamamahagi ng mga nasabing copy papers sa 13 malalayong paaralang elementarya sa Naujan.
Bitbit ang mga kahon kahong mga “kokomban”, sinuong ng nasabing grupo ng mga riders ang mga paaralang elementarya sa mga malalayong barangays ng Adrialuna, Apitong, Del Pilar, Evangelista, Inarawan, Malaya, Metolza, Panikian, San Andres, San Carlos, San Luis, Santo Nino, at Sta. Maria.
Laking pasasalamat naman ang mga guro ng mga paaralang kanilang nahatiran ng tulong dahil sa bukod sa tulong ay natuwa ang lahat dahil puro mga riders ang nagdatingan sa kanilang mga paaralan.
Nag-abot naman ng Certificate of Appreciation ang isa sa mga nasabing paaralan bilang pasasalamat sa paghahatid sa kanila ng tulong. Anila ay napakalaking ambag ito sa mga guro at kanilang mga mag-aaral.
Matatandaang dahil sa umiiral na pandemya, at base na rin sa kautusan ng DepEd, modular ang magiging sistema ng pag-aaral kung kaya kinakailangan ng mga guro ng mga copy papers.
Ayon sa grupo, ang proyektong ito ay hindi lamang paghahatid ng simpleng “kokomban”, kundi paghahatid rin ng pag-asa sa kanilang mga kababayang guro.
“Maliit na kabawasan ito sa mga suliranin ng ating mga guro, na syang mga frontliners natin sa larangan ng edukasyon, subalit underpaid at laging undervalued ng pamahalaan,” paliwanag ni Ross Delgado, tagapagsalita ng Batang Naujan.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 865 reams ng mga copy papers ang naihahatid ng grupo sa 16 Paaralang Sekondarya at 45 mga Paaraalang Elementarya sa buong bayan ng Naujan.
At dahil marami pa rin ang patuloy na humihingi ng tulong, inaasahan ng grupo na lalampas pa sa 1,000 reams ang kanilang kabuoang maipapamahagi.
Kung kaya naman patuloy ang kanilang panawagan sa mga mamamayan ng suporta, sila na anila ang magkusang maghatid ng tulong sa mga paaralang kanilang pinagmulan.