Wild Ducks Rescue
|Naujan, Oriental Mindoro – Ilang mga wild ducks na kung tawagin ay Papan or Pato del Monte ang na rescue ng grupong Batang Naujan kamakailan sa bayan ng Naujan. Base sa alerto ng mga concerned netizens, isang taga bayan ng Naujan ang nagpost sa social media Mayo 20, taong kasalukyan at tinangkang ibenta ang nasabing mga wild ducks.
Ang mga nasabing pato ay may scientific name na Anas luzonica at kilala rin sa tawag na Philippine Duck. Sa pangunguna ng opisyal nito na si Jayne Watiwat kasama sina SK Chair Benjie Garing, Ruby Ann Garing, Josephine Miralles, pawang mga taga Pinagsabangan 1, agaran namang hinanap ng grupo ang sinasabing nagbebenta nito at ang sila na mismo ang bumili nito upang mai-surrender sa mga tamang ahensya.
Sa pakikipag ugnayan naman ng Batang Naujan sa DENR partikular kay Ginoong Ricardo Natividad, tagapamahala ng Naujan Lake National Park, nai-turn over na sa nasabing ahensya kanina ang mga nasabing wild ducks.
Hindi naman magsasampa ng kaukulang reklamo ang Batang Naujan sa mga humuli at nagbenta nito at sa halip ay pinaliwanagan sila kung bakit bawal itong hulihin. Humingi naman ng paumanhin ang nasabing indibidwal na nagbenta ng mga nasabing wild ducks at ipinaliwanag na hindi nila alam na bawal pala itong hulihin. Nangako silang dahil ngayon ay alam na nila, sa halip na manghuli ay tutulong pa ang mga ito sa pangangalaga ng mga wild ducks.
Dagdag pa nito, pinakiusapan din ng grupo ang mga awtoridad na sa halip na magsampa ng reklamo ay gamitin ang pagkakataong ito upang mas maipaliwanag pa sa mga mamamayan ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga threatened species lalao na sa mga hayop na matatagpuan lamang sa isla ng Mindoro.
“Maraming hindi nakakaalam kung anu-ano ang pwede at hindi maaaring hulihin, kaya mainam na mas ipaliwanag pa natin sa kanila,” dagdag ni Jayne Watiwat.
Ang mga nasabing specie na isang migratory animal at madalas na makikita sa Lawa ng Naujan at sa mga palayan ay isang endangered specie at kabilang sa International Union for Conservation of Nature’s Red List of Threatened Specie, at ipinagbabawal sa batas na hulihin at ibenta.