Taon Taong Pagbaha, Di Pa Ba Kayo Nagsasawa?
|Lumipas ang kapaskuhan na walang bagyo at baha. Akala ng marami ay nakaraos na ang Disymbre ng hindi tayo aabutin ng baha. Yun ang ating maling akala.
Disyembre 29 ng gabi, dulot ng Bagyong Usman, nag umpisa nang umapaw ang mga ilog, na syang nagdulot ng pagkalubog ng ilang mga bayan sa probinsya ng Oriental Mindoro. Handa ang iba’t ibang mga sangay at ahensya ng mga lokal na pamahalaan, pulisya at sandatahang lakas. Buwis buhay ang mga tagapagligtas na karapat-dapat sa papuri at pasasalamat ng mamamayan.
Ngayong humupa na ang baha, marapat na lahat ng Mindorenyo ay magmuni muni at kolektibong mag-analisa. Ganito na lamang baga tuwina? Kampante na baga tayo sa ganitong sistema? Hindi pa baga tayo nagsasawa sa ganitong senaryo kada taon?
Ika nga, Mindoro has an “elephant in the room”. Malinaw pa sa sikat ng araw ang napakalaking problemang kinakaharap ng ating probinsya subalit sa halip na sama-sama nating hinaharap ay pilit nating itinatatwa.
Sira na at pilit pa ring sinisira ang ating kabundukan na syang nagsisilbing tangi nating depensa sa hagupit ng ulan, may bagyo man o wala! Barado ang mga daluyang tubig na syang daanan ng rumaragasang tubig patungo sa karagatan! Patuloy ang mga mapaminsalang proyekto na sumisira sa ating mga tubig-kanlungan!
Mula ito sa mga walang pakundangan sa ating kinabukasan at balahura sa ating kalikasan.
Ang malawakang pagbaha ay hindi sariling problema ng bayan ng Naujan. Problema ito ng lahat ng bayan at ng lahat ng mga mamamayan. Hindi pa ba panahon na kolektibo nating ugatin ang problema at sama-samang hanapan ng pang matagalang solusyon?
Kami ay nananawagan sa lahat ng mga mamamayan, mga ahensya ng pamahalaan, mga sangguniang bayan at panlalawigan, mga mambabatas, mga ehekutibong lokal, at mga konsernadong indibidwal: tigilan na ang pagkakahati hati at simulan na ang sinserong paghahanap ng solusyon.
Taon taong malawakang pagbaha, hindi pa baga kayo nagsasawa? Sa mga mamamayan baga’y hindi kayo naaawa?
Huwag Nyo Nang Hintayin ang Halalan! Solusyon, Ngayon Na!