Pamaskong Handog sa mga Mangyan, Punong Puno ng Saya

Balite, Naujan – Sa kabila ng nagbabadyang muli na namang pagbaha sa kanilang lugar at matapos ang mapait na karansan ng mga residenteng Mangyan na nalason kamakailan, naging puno ng pag-asa at kasiyahan ang kanilang mga pamilya sa maagang aginaldong hatid ng Batang Naujan.

Madilim pa ay guyod na ang mga Batang Naujan volunteers patungo sa Brgy. Balite kung saan ginanap ang naturang Community Outreach. Sinalubong naman sila duon ng mga kasamang naka base sa naturang lugar at mga tuwang-tuwang residente.

Walang paglagyan ng ngiti at saya ang mahigit 120 pamilya ng mga katutubong Mangyan na taga Naujan Weste na syang nabiyayaan sa proyektong Sagip Kapatid: Pamaskong Handog ng nasabing grupo.

Bukod sa mga ecobags na naglalaman ng mga kumot, de lata, noodles, kape, asin, bigas, tsinelas at iba pa, nagkaroon din ng kaunting programa, kasayahan at munting salu-salo para sa lahat ng mga dumalo.

Ang proyektong ito ay nagsimula lamang sa isang panawagan online na nauwi sa isang full-blown na proyekto kung saan napakaraming Batang Naujan mula sa iba’t ibang lugar ang nagtulong tulong at nagpahatid ng kanya-kanyang ambag.

“Lubos na nakakataba ng puso dahil kusang dumadating ang tulong bilang pagtugon sa ating proyekto para sa ating mga kababayang Mangyan,” ani Jayne Watiwat, opisyal ng nasabing samahan.

Labis din namang natutuwa ang mga katutubong Mangyan sa nasabing lugar dahil sa palagiang pag-alalay ng mga Batang Naujan sa kanila. Matatandang madalas maghatid ng tulong ang grupo sa kanilang lugar. Sa ilalim ng Kapit-Bahayan Program ay may dalawang bahay na ang naitayo sa kanilang lugar at marami pa ang susunod.

Tinuruan din ang mga bata at matatanda sa tamang paraan ng paghuhugas ng kamay bago kumain upang maiwasan ang nangyari kamakailan. Tuwang tuwa naman ang lahat dahil bata at matanda ay pinutulan at nilinisan pa ng kuko ng mga volunteers.

Nangako naman ang grupo na hangga’t naririto ang Batang Naujan ay patuloy silang maghahatid ng tulong sa mga residente nito na palagiang tinatamaan ng kalamidad.