Mag-Inang Nagtitinda ng Kakanin, Bagong Benepisyaryo ng Kapit-Bahayan
|Brgy. Pinagsabangan 2, Naujan – Isang gabi habang bumabayo ang bagyong Nona, dumating ang isang batang nagngangalang Akiru kasama ang kanyang inang si Marlyn na basang basa sa ulan at sobrang pagod sa bahay ng isang BN member upang humingi ng tulong.
Si Akiru Fritz Cabreros ay 7-taong gulang at kasalukyang nasa Grade 2. Oktubre taong 2015 ng huling makita ng batang si Akiru ang ama na nawalang parang bula. Kaya naman naging dobleng sakit at hirap ang sinapit ng mag-ina ng pagdating ng kapaskuhan.
Dahil ng masaklap na gabing yun ng Disyembre 2015, tumama ang bagyong Nona at binitbit ng malakas na hangin nito at rumaragasang tubig ang kanilang munting barong barong kasama ang ilang mga gamit sa bahay na naipundar ng mag-ina.
Buhat noon ay nakitira na lamang silang mag-ina sa lola ni Akiru na hirap din sa buhay. Upang makaraos at makatulong sa pang-araw araw na pangangailangan ay nagtitinda ang nanay ni Akiru ng mga kakanin at palamig habang nagbibisikleta. Kapag wala namang pasok sa paaralan ay sumasama si Akiru sa kanyang ina upang makatulong sa paghahanap-buhay.
Bagamat sabik sa aruga ng isang ama ang batang si Akiru ay hindi naman ito nawawalan ng pag-asa na makakaahon silang mag-ina sa kahirapan. Patuloy silang lumalaban sa buhay.
Nang malaman ng lola ni Akiru na may programang Kapit-Bahayan ang grupong Batang Naujan, lumapit ito sa pamunuan ng Batang Naujan upang magbakasakaling maaabutan ng tulong ang mag-ina.
At sa wakas, dumating na rin ang araw ng kanilang inaasam. Kamakailan lamang ay natapos na rin ang bagong bahay na itinayo mula sa tulong ng grupo para sa mag-ina.
“Napakasarap tumulong sa mga taong sila mismo ay tinutulungan ang sarili. Kaya hanggat may naniniwala sa atin at hanggang kaya natin, patuloy tayong magiging instrumento para makatulong sa ating kapwa,” masayang paliwanag ni Jayne Watiwat, Batang Naujan Komite Sentral member.
Kitang kita naman ang saya ng batang si Akiru sa kanyang pasasalamat sa grupo na aniya ay hindi sya pinabayaan hanggang sa maipatayo na rin sa wakas ang kanilang munting tahanan.
Nagpapasalamat naman ang grupo sa mga volunteers na kasama ng pamilya sa pagsasa-ayos ng kanilang bagong bahay sa pamumuno nina Bb. Jayne Watiwat, Josephine Miralles lalong lalo na sa naging sponsor ng kanilang bagong bahay na nagpakilala sa alyas na “We The Strong North”.