Dalawang Taon ng Pagsisilbi sa Bayan
|Taong 2015 ng manalasa ang bagyong Nona sa bayan ng Naujan at probinsya ng Oriental Mindoro. Bunga ng paghihirap na dinanas ng sambayanan, namulat ang mga anak ng Naujan sa mga isyung kinapapalooban ng bayan at ng mga mamamayan nito partikular sa usapin ng kalikasan at pamamahala.
Bunga ng pagkamulat na ito, kusang-loob na nagsama sama ang mga taga-Naujan na nasa loob at labas ng bayan na magbigkis upang maiangat ang kanyang kolektibong pampulitikang kamulatan sa bayan, kalikasan at lipunan. At sa pamamagitan ng pagkakabuklod na ito, ipinanganak ang bagong samahan… ang BATANG NAUJAN.
Ano ang Batang Naujan?
Ang Batang Naujan ay isang kalipunan ng mga ipinanganak, lumaki, nag-aral at nagmamalasakit sa kapakanan ng Naujan. Ito ay isang samahan ng mga indibidwal na nagkakaisa sa ideyang ang lahat tayo, maliit man o malaki ay may magagawa para sa ating bayan.
Naniniwala tayong hindi dapat iasa sa pamahalaan lamang ang mga sagot sa mga isyung kinakaharap natin bilang mga mamamayan. Kailangan ng aktibong partisipasyon ng lahat upang maging mas mapabuti ng mga kinauukulan ang kanilang mga mandato sa mga mamamayan.
Naniniwala tayong sa pamamagitan na isang bukas at malayang talakayan, ito ay magbubunga ng mga mamamayang may malinis na puso, matalas na pag-iisip at malayang kamalayan.
Bagamat inumpisahan ito ng iisang tao, ang taong ito ay hindi ang nag-iisang lider ng Batang Naujan. Dahil naniniwala tayo na ang tagumpay ng isang kilusang masa ay wala sa iisang lider, bagkus ay sa sama-samang pagkilos tungo sa iisang mithiin.
Bagamat karamihan sa mga Batang Naujan ay naka base sa ating bayang sinilangan, mayroon ding mga nasa ibang bayan. Hindi man pisikal na nasa Naujan ang iba sa mga nagsusulong nito, sila naman ay taal na ipinanganak at lumaki sa bayan ng Naujan. Ang mga pagkilos ng Batang Naujan ay nagmumula sa kanyang mga adhikain para sa nakararaming kababayan.
Napatunayan na natin na hindi kailangan ng “financier” o malaking tao upang makagawa ng mga hakbanging makatutulong sa adhikain nito.
Ang unang proyekto ng grupo bunga ng Bagyong Nona ay ang Bangon Naujan Fund Drive na nakakalap ng mahigit 100,000 piso at nakapagbigay ng tulong sa mahigit 300 daang pamilya sa Naujan.
Sinundan ito ng isang Environmental Concert na naging matagumpay sa tulong ng napakaraming tao. Tayo ay nagbigay ng tulong ng walang kapalit dahil sa kanilang paniniwala na iisa ang ating mithiin para sa ating bayan at kalikasan.
At ngayon, dalawang taon ang lumipas, patuloy ang pagkilos nating mga Batang Naujan. Patunay na ang ating mga pagkilos ay nagtatagumpay sa pamamagitan ng ating pinagsama-samang lakas at patuloy na pakikipag-ugnayan.
Ang sabihing may malaking tao na “nagpi-finance” sa ating mga pagkilos ay magpasa hanggang ngayon ay hindi pa rin naniniwala sa kakayahan at lakas ng social media at sa sama-samang pagkilos.
Base sa paunang agam-agam ng publiko at ng mga nasa pwesto hinggil sa ating adhikain nang una tayong magsama-sama; na may malaking tao sa likod ng Batang Naujan, na may gusto lamang tumakbo sa pulitika kaya nagpapabango, o dili kaya’y mga nangingialam lamang, napatunayan na natin sa nagdaang dalawang taon, na tayo ay naririto upang magkaisa at isulong ang ating mga prinsipyo.
Anu-ano ang mga prinsipyong isinusulong ng Batang Naujan?
1. KAMULATAN (ENLIGHTENMENT). Na sa pamamagitan ng walang humpay na pagmumulat at pagsusuri ng sarili at ng lipunang kinabibilangan nito, at ang patuloy na pag-aaral sa mga isyung panlipunan, mas magiging ganap ang kamalayan nito sa kanyang angking kakayanan at tungkulin para sa bayan at lipunan;
2. LAKAS NG MAMAMAYAN (EMPOWERMENT). Na sa pamamagitan ng pinagsama-samang lakas, bayanihan at ang boluntaryong paglalaan ng oras at kakayanan para sa ibang mas nangangailangan, kayang-kayang pangunahan at ganap na akuin ng mga mamamayan ang pakikilahok sakanyang lipunang ginagalawan;
3. KILUSANG MASA (MASS MOVEMENT). Na sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa hanay ng masang mamamayan, at aktibong pakikilahok sa mga usaping pangbayan, mas maiigiit ng mga mamamayan ang kanyang mga karapatan sa usapin ng pantay-pantay at sustenableng kaunlaran na may pagsaalang alang sa kalikasan, karapatang pantao, at hustisyang panlipunan;
4. LAHAT NG URI NG PAKIKIBAKA (ALL FORMS). Na sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan at larangan ng pakikibaka, kasama ang mga makabagong pamamaraan, kayang makamit ng mga organisadong hanay ng mga mamamayan ang mga mithiing hinahangad nito tungo sa isang maunlad, demokratiko, mulat, at malayang pamayanan, bayan, at lipunan na may tunay na malasakit sa kalikasan, karapatang pantao, at hustisyang panlipunan.
Sa taong 2017, tayo nakapagpatayo na ng 9 na bahay para sa ating mga piling pamilya na nangangailangan nito. Nagkaroon tayo ng limang Community Outreach. Naghatid tayo ng mga pinansyal, tulong medikal at iba pa sa ilan nating mga kababayan. Lumahok tayo sa iba’t ibang mga pagkilos para sa kalikasan.
Sa kabuoan, sa taong ito, tayo ay gumugol ng mahigit na 400,000 piso sa ating mga naging proyekto buong taon. Ang detalye nito ay nasa ating annual report. Ang lahat ng sentimo ay pinag ambag ambagan ng lahat ng mga kasapi at supporters ng samahan. Malinaw na patuloy na may naniniwala sa ating kakayanan bilang sama-samang mga Batang Naujan.
At sa pagpasok ng taong darating, ano ang aasahan ng taumbayan at ng aing mga kasapi sa ating samahan?
Pagpapatuloy ng ating existing programs at pagpapalawak pa nito.
Patuloy na magiging TAGAMASID at tagapagpaunlad ng kamalayan ng ating mga pamayanan hinggil sa mga isyung panlipunan, pamamahala, at pang kalikasan.
Patuloy na magiging masugid na TAGABANTAY at pagkakaroon ng malinaw na presensya ng oposisyon sa mga Dambuhalang Proyekto na mapanira sa ating kalikasan at pamayanan.
At ang patuloy na magiging PROMOTOR ng mga pagkilos.
Sa panghuli, magandang maitampok ang kaso ni Jane Reyes, isang 7 taong gulang mula sa Brgy. Nag-Iba 2. Sya ay may malalang sakit sa bato. Mahirap ang pamilya, walang pinag-aralan. Inilapit na daw nila sa PCSO at iba pang ahensya ang bata. Nang una nating dalawin si Jane, walang ginawa ang bata kundi umiyak ng umiyak dahil sa sakit na nararamdaman. Ni wala rin sila makain.
Bukod sa panandaliang tulong na ating inihatid, sinubukan nating i-giya ang tulong sa iba pang ahensya ng pamahalaan. Malabo, inabot na ng syam syam. Sa provincial hospital, wala daw duktor na uubra gumamot, kailangan daw madala sa PGH sa Maynila. Ang sabi ng ibang mga opisyal ng barangay, ang tyaga daw natin tumulong, ay wala na daw pag-asa. Mismong pamilya ni Jane ay tanggap na na mawawala sa kanila ang bata.
Umabot tayo sa puntong iyon na, gusto na nagtin maiyak. Wala tayong pondo, wala kundi yabang. Subalit wala nang ibang pwedeng gawin kundi tayo ang maging promotor. Kakayanin ba ng Batang Naujan? Sa puntong iyon, hindi natin alam. Lakas lang ng loob, tiwala lang. Bahala na si Batman.
May tumapik sa atin na may isang Batang Naujan na nagtatrabaho sa PGH bilang isang nurse. Nabuhayan tayo ng loob. Matapos nating makapanayam ang nasabing nurse, lumakas ang ating loob, nagkaroon tayo ng pag-asa.
Hanggang sa nagkaroon ng momentum, kusang dumating ang mga mensahe ng iba’t ibang mga kasapi ng Batang Naujan. Ang isang simpleng pagtulong ay nauwi sa isang malaking proyekto. May nagbigay ng pambayad sa gasoline ng ambulansya, sa pamasahe, may sumundo at umalalaya sa pasyente, may sumalubong sa Maynila, may naghatid sa PGH, may nurse at may duktor na kaibigang umalalay. Maraming mga simpleng tao ang nagkaroon ng kanya kanyang tungkulin, na naging isang malaking mithiin… ang subukang maisalba ang buhay ng bata.
Ngayon, malayang nagtatatakbo si Jane sa kanila. Hindi mo na Makita ang dating iyakin, dahil ngayon ay palagi nang nakangiti at kita ang mga bungi.
Marahil naitanong natin sa ating mga sarili, bakit natin pinagkakaabalahan ang isang batang kagaya ni Jane? Bakit sa kabila ng pagkain ng mismong burukrasya sa kanya, tayo ay nagpatuloy na umasa? Bakit sa kabila ng pagsuko ng kanya mismong mga magulang sa kanyang kalagayan, tayo ay nagpatuloy sumubok na makatulong? Bakit sa kabila ng kawalan ng pag-asa, bakit natin ginawang sumubok?
Dahil wala ng ibang gustong tumulong…
Dahil wala nang ibang may gustong umako…
Dahil wala nang ibang may gustong tumayo…
At kahit na may mga sumuko na, at wala nang pag-asa, tayo, bilang Batang Naujan ang tutulong, ang aako, ang tatayo.
TAYO BILANG BATANG NAUJAN, ANG MANININDIGAN.