BATANG NAUJAN, NAGHATID NG TULONG SA NAUJAN WESTE

Malvar, Naujan – Naghatid ng tulong ang grupong Batang Naujan sa isang paaralan sa isang malayong lugar sa Naujan Weste na madalas maapektuhan ng baha.

Ika 25 ng Hulyo, nang magtungo ang nasabing grupo sa pangunguna ni Bb. Jayne Watiwat kasama sina Arvin Morillo, Ruby Garing, Benjie Garing, Cely Araja, VeeJay Canarias, Yonko Laylay, Jinky Bacay, Mary Grace Madrigal, at Frank Sahagun sa Mabini Elementary School sa Brgy. Malvar ng nasabing bayan.

Namahagi ang mga ito ng mga school supplies at bigas sa mga batang nagsisipag-aral rito. Umabot naman sa 165 na mga mag-aaral ang nabiyayan ng tulong. Nakapaghatid rin ng nebulizer ang grupo na syang inihandog ng mga ito sa mga guro upang magamit ng mga mag-aaral na nangangailangan nito.

Mainit naman silang tinanggap ng mga mag-aaral at mga guro sa pangunguna ni Sir Zaidy Sanchez Argente. Buong araw na nagkaroon ng kasayahan at kaunting palaro para sa mga naroroon habang nagsasalo sa mainit na sopas na inihanda rin ng grupo para sa mga batang mag-aaral.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga naroroon sa isang napakasayang araw na inihatid ng samahan at lubos silang nagpapasalamat na bagamat napakalayo ng kanilang paaralan, kung saan ilang ilog ang kailangang tawirin, ay nakuha silang maabot ng grupo.

Matapos naman ang kasayahan, nagtungo rin ang grupo sa kalapit na Aurora National High School-Malvar Extension bilang pakikiisa ng nasabing grupo sa 1M Tree Project ng Samahan ng mga Mindorenyo para sa Bayan at Kalikasan (SAMBAYANAN) .

Dito ay nakasama nila sina Sir Ferdinand Valdez, Teacher In Charge, sina Councilor Lucena C. De Leon at mga opisyales ng PTA rito, Randy G. Perez, Senior Crew Leader ng Boy Scouts, at Babylyn G. Robles, Pangulo ng Supreme Student Government na naturang hayskul, at mga mag-aaral, at nakapagsimula na ang mga itong magtanim. Aabot sa 44, 000 na mga punla na pinaghalong mga fruit-bearing trees at mga endemic trees ang nakahandang itanim sa nasabing lugar.

Naging napaka produktibo ng maghapon kung kaya nagpapasalamat ang grupo ng Batang Naujan sa mga tumulong upang maisakatuparan ito.

Nagpapasalamat ang grupo sa mga tagasuporta na nag-ambag ambag upang maging matagumpay ang araw na ito na sina Ginoong Jun Sacro, Eleanor Evangelista, Flora Eduardo Ulayan, Atty. Elvira Adarlo, Carl and Flora Stefan, sa isang nagpakilalang “Original na Lodi ng Naujan”, Frank Sahagun, Phine Mirrales at sa OMASC.