Batang Naujan, Muli na Namang Nag Kapit-Bahayan


Mga Pamilyang Mangyan Muling Nabiyayaan

Nobyembre 10, 2018 – Muli na namang nagsama sama ang grupong Batang Naujan sa pagtatayo ng mga maayos na tahanan para sa kanilang mga kababayan sa bayan ng Naujan.

Kahit umuulan, bago pa sumikat ang araw ay nagtungo na ang nasabing grupo sa lugar kung saan sama-sama na naman nilang itinayo ang mga kabahayan para sa mga recipient families nito sa ilalim ng kanilang programang “Kapit-Bahayan: Babangon ang Naujan, One Bahay at a Time”.

Tatlong bahay ang sabay sabay na itinayo ng grupo para sa mga katutubong Mangyan sa Brgy. Arangin ng nasabing bayan. Matatandaang nauna ng nakapagtayo ng dalawang bahay ang nasabing grupo para sa naunang dalawang recipient families.

Ang mga pamilyang katutubo na nabiyayaan ng bagong bahay ay sina Perino at Anastasia Maribunay, Tattoo at Hasmine Matibunay, at Rechard at Letecia Salundayan, pawang mga residente ng Sitio 7, ng Barangay Arangin.

Wala namang paglagyan ng saya ang mga kababayan nating Mangyan na nabiyayaan ng bagong bahay lalu pa at ang nasabing mga pamilyang Mangyan ay ilan sa mga lubhang naapektuhan ng Bagyong Nona at Nina.

Mariin pa rin nilang sinisisi ang pagpapatuloy ng proyektong hydro ng Sta. Clara sa patuloy na paglubog ng kanilang pamayanan tuwing sasapit ang tag-ulan. Katunayan anila ay patuloy pa rin ang pagpapasabog ng nasabing kumpanya sa kanilang ginagawang tunneling sa nasabing lugar.

Matatandaan ding nagkaroon ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan noong Nobyember 8 sa Brgy. Aurora hinggil sa mga isyung kinapapalooban ng kumpanyang Sta.Clara kung saan inimbitahan ang grupong Batang Naujan upang makapanayam kasama pa ang ibang mga residente rito.

Subalit mas minabuti ng grupo na huwag nang dumalo. Ipinaliwananag nila na mas mabuti pang ubusin nila ang kanilang oras at kakayanan para sa direktang pagtulong sa mga katutubo na naapektuhan ng nasabing hydro project, kaysa makipag kwentuhan na wala naman patutunguhan.

We fear that this stakeholder’s dialogue would simply be an exercise in futility. It seems this is just to allay fears but not to answer the very questions the people had been asking since,” dagdag pa ni Ross Delgado, tagapagsalita ng grupong Batang Naujan .

Nagpapasalamat naman ang grupo sa lahat ng nakiisa upang maitayo ang mga bagong bahay na sa pangunguna ni Komite Sentral Member Jayne Watiwat kasama sina Len Salcedo, Grace Madrigal, Ruby Ann Garing, Phine Mirrales, Renier Araja, Celoy Hernandez, Jr Hernandez, Utoy Hernandez, Brgy. Tanod Ariel Madrigal, Konsehal Marlon Tella, Mot Bunsoy at lalong lalo na sa kanilang naging sponsors na nagpakilala lamang sa pangalang “We the Strong North”.

Inaasahan pang sa mga darating na araw ay may iba pang mga pamilya ang nakatakdang mabiyayaan ng bagong bahay sa Kapit-Bahayan dahil ika nga ng grupo, “Babangon ang Naujan, One Bahay at a Time.”