Batang Naujan, Mananatiling Non-Partisan

Sanhi ng kabi-kabilang paglapit sa ating samahan mula sa ating mga kababayan upang humingi ng suporta para sa darating na eleksyon sa Mayo 14, 2018, minabuti naming magbigay ng pormal na pahayag hinggil dito.

Naniniwala ang grupo na ang ating elektoral na proseso, kagaya ng iba pa, ay isang pamamaraan upang maitampok at maisulong ang ating mga adbokasiya para sa bayan at kalikasan. Naniniwala tayong sa pamamagitan ng pagluluklok sa mga indibidwal na may tunay na kakayanan at pagmamahal sa bayan, mas maipapadaloy natin ang pagbabago sa ating mga pamayanan.

Subalit nais rin nating maibahagi sa lahat na ang ating samahan ay walang kinikilingan at dapat manatiling non-partisan. Nais din nating huwag sagkaan ang mga personal na pampulitikang pananaw ng bawat kasapi.

Matatandaang isa nating pundamental na paniniwala ay ang pagbabalewala sa bawat indibidwal na pananaw sa usapin ng relihiyon, pulitika at oryentasyon upang mas maging malawak ang ating pagsasama-sama bilang iisang Batang Naujan.

Base din sa napagkasunduan ng samahan nuong ikalawang pulong ng Komite Sentral na ginanap nuong Disyembre 23, 2017, pinagtibay nito na ang Batang Naujan ay hindi mag-eendorso, mangangampanya, at susuporta sa iisang kandidato ngayong darating na halalan.

Malaya ang sinuman, myembro o hindi, na kumilos ng indibidwal para sa kani-kanilang pinaniniwalaang kandidato. Ang Batang Naujan bilang isang organisasyon ay hindi aktibong makikilahok upang mangampanya at sumuporta sa naturang mga kandidato.

Ang tanging pakikilahok ng samahan sa usapin ng eleksyong darating ay ang mangampanya para sa isang maayos at tahimik na halalan, at ang magmulat sa wastong pagpili ng mga kandidato na syang tunay na magsisilbi sa kapakanan ng mga mamamayan. Sa mga nagnanais magsilbi sa bayan: Naway maging gabay ninyo sa pagsisilbi ang tunay na paglilingkod sa bayan. Sa mga maghahalal: Siguraduhing piliin ang tingin ninyong sinserong may kakayanan at tunay na magsisilbi sa pamayanan.

Muli, ang halalan ay hindi katapusan ng inyong karapatan kundi simula lamang. Maging tunay na katuwang ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay at aktibong partisipasyon sa lahat ng mga prosesong may kinalaman ang bayan.