Batang Naujan Agad na Namahagi ng Tulong sa mga Biktima ni Tisoy

Naujan, Or.Mindoro – Dahil sa epekto ng nagdaang Bagyong Tisoy sa bayan ng Naujan, agad na naghatid ng panandaliang tulong ang grupong Batang Naujan sa ilang mga barangay sa nasabing bayan.

Sa pangunguna nina Jessete Bautista, tagapangulo ng nasabing grupo sa Brgy. Poblacion, kasama ang iba pang opisyales na sina Edsel Genteroy, Buboy Jayag at Rex Bautista, agad na nakipag-ugnayan ang grupo sa mga opisyales ng mga barangay kung saan mayroong mga humingi ng tulong sa pamamagitan ng kanilang facebook group page.

Ika 4 ng Disyembre, matapos humupa ang bagyo, agad namang nagtungo ang grupo sa Brgy. San Antonio, Brgy. Nag-iba Dos, at Sitio Pitogo ng San Jose Uno at namahagi ng mga relief bags para sa mga apektadong residente.

Kinabukasan, nagtungo naman ang grupo sa Sitio Makapili sa Brgy. Melgar B, kung saan namahagi ang mga ito ng mga relief bags sa mga kapatid nating mga Mangyan na naapektuhan naman sa nasabing lugar.

Wala namang pagsidlan ng tuwa ang mga pamilyang nahatiran ng tulong ng nasabing grupo. Umaabot sa 150 pamilya sa kasalukuyan ang nahatiran na ng grupo ng kagyat na tulong at inaasahang madadagdagan pa ito sa patuloy na mga araw.

Nagpapasalamat naman ang grupo sa mga opisyales ng mga nasabing barangays at sa mainit na pagtanggap ng mga residente sa mga lugar na kanilang hinatiran ng tulong dahil bukod sa masasayang ngiti ng mga bata ang sumalubong sa kanila, marami rin sa mga ito ay may suot mismong mga Batang Naujan shirts at ang iba pa ay maskara na syang sagisag ng grupo.

Nagpapasalamat din ang grupo sa lahat ng mga agarang nag-ambag at nag-pledge ng mga tulong upang makapaghatid sila ng ayuda sa kanilang mga kababayan sa Naujan may sakuna man o wala.

Nakahanda namang tumulak ang grupo ng Batang Naujan patungo sa isang paaralan sa Brgy. San Andres para sa kanilang taunang Pamaskong Handog Outreach oras na maisaayos ang daan para rito.