7-Taong Bata na May Sakit Sa Kidney
|Nag-Iba 2, Naujan – Kasalukuyan na ngayong malakas ang 7-tong gulang na bata matapos itong maoperahan sa sakit sa kidney sa Maynila.
Matatandaang inilapit ng isang concerned citizen ang kaso ni Jane, isang 7-taong gulang na bata na taga Brgy. Nag-Iba 2 sa Naujan. Matagal na umanong iniinda ng bata ang sakit sa bato, kung kaya bumagsak na rin ang pangangatawan nito. Ayon sa pamilya ng bata, nadala na ito sa isang ospital sa Batangas kamakailan ngunit inilabas din nila ito dahil sa wala silang kakayana ipagamot ito.
Nang sadyain ng grupong Batang Naujan ang bata sa kanilang tahanan, ay sadyang di mapakali ang bata sa sakit na nararanasan. Bukod sa wala silang pambili ng gamot, ultimo pagkain ay kapos din. Kung kaya matapos mag-abot ng pinansyal na tulong ang grupo sa pamilya, ay agad namang nakipag-ugnayan ang grupo upang mapadali at madala na sa ospital ang bata.
Sa pakikipagtulungan sa mga doktor at nars na nagtatrabaho sa Philippine General Hospital sa Maynila,kuniha ng grupo ang bata sa kanilang tahanan at ibinyahe patungo ng Maynila. Humiram ang grupo ng ambulansya mula sa ating pamahalaang lokal na sya namang nagdala sa pasyente sa Maynila. Pagdating naman sa Maynila ay sinalubong sila ng mga BN members na nakabase duon at syang nagpasok sa kanila sa PGH.
Nakailang araw din sa nasabing ospital si Jane, at sa mga panahong iyon ang grupo ang nagsusutento sa kanilang mga kagyat na mga pangangailanangan.
Hanggang sa makalabas na nga ang bata at ngayon ay nakakatuwang malakas na at nakukuha ng tumawa.
Salamat sa napakaraming nagtulong-tulong upang patuloy na mapagaling ang batang si Jane.